Mga Bagay na Niluluwa ng Utak no.3 (Triggered...)
Naaalala ko noong nagttrabaho pa ko kung gaano kasiksikan ang pag-uwi ng rush hour noong pre-pandemic. Ang byahe ko pa ay mula Ortigas pauwi ng Imus, Cavite. Iba't ibang klase ng tao makakasabay mo sa byahe. May pagkakataon pa ngang sa sobrang siksikan nyo na ay hinihingahan ka na sa batok ng taong nasa likuran mo (real life experience...). Aktibo ang kamalayan ko pag nasa kalsada. Parang lahat napapansin ko. Mahirap na, mahirap umuwing walang cellphone, wallet (o brip!) at iba pang bitbit mong importante. Dahil din dito madami akong napapansin, alam mo yung pakiramdam na para kang nanunuod ng sitcom habang kumakain ng hapunan? o nanunuod ng drama sa hapon habang nagtutupi ka ng mga tuyong sinampay? Ganun ang pakiramdam ko sa tuwing bumabyahe ako. Bukod pa yung mangilan ngilang pagkakataong makakasabay ka ng demonyong kumakain ng yumburger sa loob ng aircon na bus, at pagpapakain sa'yo ng buhok ng kadabi mo (wow ate. para akong kumakain ng spaghetti at meatballs dahil sa buhok mo na may kuto.) sa super speeding na jeep na pag minalas malas ka't malalate ay magpapa-gas muna si manong, makikipagkumustahan kay kumpareng driver sa kabilang jeep o cab at hirit ng "Pare isabay mo na tong sakay ko, didiretso ka naman diba?". Shet!
Iba't ibang tagpo rin ang naranasan ko noong nasa Riyadh at Dubai ako. Sa Riyadh, dalawang klase ng bus ang pagpipilian mo, mainit o malamig pero isa lang masisigurado ko sa'yo kaibigan, parehas silang mabaho. Sa Limousine naman (sosyal!), yan ang tawag nila sa sitak natin dito. para kang naglalaro ng roleta. di mo alam kung ang hihinto sa'yo ay may manyakis na drayber. Balik tayo sa bayang sinilangan. Kung saan mapapaisip ka kung nasa middle east ka parin ba o Pinas na. Dahil yan sa mga iilang makakasabay mo na mapapaisip ka kung saang lupalop nagsusuot at ganun nalang ang amoy nila. Maniwala ka o sa hinde, mas gusto ko pa amoy ng ibang mga (paano ko ba sasabihin ng hindi ako magtutunog "racist"?) African na nakakasabay ko sa masikip na cab pauwi ng etivac. Kasi sila, manunuot lang ang napakatapang na amoy ng pabango na ginagamit nila hindi tulad ng ilang mga kabayan na kundi amoy pawis o kulob na damit at sigarilyo, napaka swerte mo kung nag-join forces ang parehas na amoy. (OH! ANONG PARUSA!)
Normal na ata sa ilan na manuod ng mga reels at video sa pampublikong lugar ng walang headset at... NAKA 100% ANG VOLUME (ALL CAPS PARA INTENSE!!!) Eto, malamang nakasakay nyo na. Yung nakikipag video call (face time sa mga sosyal...) ng hindi naka headset. Ayun! Wala kayong choice kundi malaman kung ano ang ialalabas sa ref para mailutong ulam para sa hapunan at alam narin natin kung bakit umiiyak yung bata sa background. May iba naman na nahihiya. Gagamit ng earphones pero... sya naman ngayon ang NAKA 100% FULL BLAST ANG BUNGANGA! (ALL CAPS ULIT KASI INTENSE SILA MAGSALITA!!!) Kung di man sila may kausap malalaman mo na ang playlist nila dahil sinasabayan nila ng kanta ang tugtog. Pagtiisan mo nalang ang tono na kahit si Stevie Wonder tatakpan ang bibig nila para manahimik kung katabi nila ito.
Masarap magpahinga sa byahe lalo na't pauwi ka galing sa isang nakakapagod na araw sa opisina. Pero, paano mo ito gagawin kung sa pagpikit mo ay maririnig mo ang kwento ng buhay ni Cesar galing sa bibig ng mga kaopisina nyang pinagchichismisan sya? Kahit di ka na magdata ay para ka narin nakikinig sa podcast! Samu't saring opinyon at kumento sa kung bakit di nagsusustento si Cesar sa mga anak nya. Kung bakit ayaw lumipat ni Shiela ng station kahit nasa ibang bay na mga team mates nya? Malalaman mo rin ang consipary na nangyayari kung bakit mataas palagi ang incentives na nakukuha ng kabilang team! Sa sobrang detalyado e kulang ang panahon ko para isa isahin ang mga hinaing nila at kung saang fast food chain sila kakain pagbaba nila ng van!
Hindi lang ito ang mga bagay na nakaka-trigger na tagpo sa twing bumabyahe ako. Ikaw ba? Anong mga eksena ang kinaiinisan mo sa tuwing bumabyahe ka?
- Tito Jim
Comments
Post a Comment