Twisted Tales: Lugawan ni Lolo Tasyo
"Oh! Halika. 'Wag kang mahiya, daming mauupuan sa loob," masiglang bati ni Ella, habang pinupunasan ang mesa. Kahit matao, tila sanay na si Ella sa dagsa ng tao sa kanilang munting lugawan sa may Paco.
Si Ella, may maamong mukha at magaan na ngiti, ngunit may mga matang tila'y marami nang nasaksihan—mga alaala ng panahong lumipas, at ng mga taong dumaan at naiwan sa kanilang munting lugawan. Ang kanyang mga kamay ay may kalyo, palatandaan ng mga taon ng walang humpay na pag-aasikaso ng kainan. Ngunit sa bawat kilos niya, may lambing at katiyakan—parang ina sa lahat ng dumarayo.
"Sa itsura mo, hindi lugaw ang pakay mo rito, kuya. Uminom ka muna ng tubig. Hayaan mo, bibigay ko sa’yo ang aming bestseller—Special Recipe ni Lolo Tasyo. Subok na 'yan ng panahon. Tanungin mo pa sina Ninoy o si Jawo!"
Napakunot-noo ang binatang customer.
"Jawo, yung basketball player?"
Tumawa si Ella. "Oo, kahit siya nadapa sa sarap ng lugaw namin. Pero seryoso, 'eto oh… ikaw na ang humusga."
Maingay sa paligid. Tila karinderyang minahal na ng mga taga-rito. Sa isang sulok, may matandang nagkakape, sa kabila may estudyanteng gumagawa ng assignment, habang ang ilan ay nagkakatuwaan sa mainit na mangkok ng lugaw.
Pero kakaiba ang lugaw ni Lolo Tasyo. Maliban sa linamnam at init nito na tumatagos hanggang kaluluwa, may sikretong hindi alam ng karamihan.
"Alam mo kuya," patuloy ni Ella habang nagsasandok, "marami nang dumaan dito, pero kakaiba 'yung ilang suki namin noon. Yung tipong... kilala mo sa libro ng kasaysayan."
"Halimbawa na lang, 'yung isang Boy Scout. Dapat sasali siya sa Boy Scout Jamboree sa ibang bansa. Pero gabi bago ang lipad, kumain siya dito. Ewan ko ba, umiiyak siya habang nakatitig sa lugaw. Kinabukasan, hindi siya nakasama. Kinulang daw sa pondo. Pero sabi niya, may nakita raw siyang sunog, apoy, at luha. Ilang araw pagkatapos, sumabog 'yung eroplano papunta sa pagdarausan ng jamboree. Sakay lahat ng mga dapat kasama niya. Isa siya sa dalawang di nakasama at nakaligtas."
Tahimik ang binata. Inisip niya kung kwentong kutsero lang ito.
"Tapos," dugtong ni Ella, "si Kuya Monching. Madalas 'yon dito, tahimik lang. Taga-kanto lang yung dati nyang drayber, simple at mabait yon kaya nanalong presidente noon. Isang gabi, sinabi niya kay Lolo na 'pag tumuloy siya sa biyahe nya sa bisaya, baka 'di na siya makabalik. Ipinag kibit-balikat lang namin ang kanyang sinabi. Pero sa loob-loob niya, alam na niya ang mangyayari. Alam mo bang 'yung relo lang niya ang nahanap sa crash site?"
Napalunok ang binata.
"At siyempre," nagbuntong-hininga si Ella, "hindi mawawala si Ninoy. Oo, 'yung nasa 500 pesos. Araw-araw halos andito siya noon. Tahimik lang, palangiti. Pero minsan, habang humihigop ng lugaw, bigla siyang napatigil. Sabi niya, 'Ella, parang nakita ko ang sarili kong duguan sa paliparan.' Natawa lang kami. Sino ba namang gagawa sa kanya ng masama? Pero nabigla kami noong marinig namin sa radyo ang balita, binaril nga siya sa MIA. Pagkatapos nun, sabay-sabay na nagising ang bayan. Parang lugaw din namin—mainit, palaban."
"So... anong meron sa lugaw?" tanong ng binata, ngunit may bahid na ng pag-aalinlangan sa kanyang boses. Hindi na gutom ang nadarama, kundi isang uri ng takot—takot sa hindi maipaliwanag.
Lumapit si Ella. Marahan siyang yumuko sa binata, at sa isang bulong na puno ng hiwaga ay nagsimulang magkwento.
"Hindi lang simpleng lugaw 'to," wika niya. "Protektado ito ng isang engkantado. Noon daw, habang namumundok si Lolo Tasyo para tumulong sa mga sugatang gerilya, may nasagip siyang ibon—hindi basta-bastang ibon, kakaiba ang kulay, tila sumasalamin sa sinag ng araw, ngunit sugatan. Inalagaan niya ito. Pinakain, pinrotektahan. Pagkalipas ng ilang buwan, bigla na lamang itong naglaho, pero may iniwang bulong sa hangin..."
‘Bilang ganti, habang ikaw ay nabubuhay, hindi ka magugutom, at kahit anong pagkain ang iyong ihain ay magiging susi ng kabatiran. Hindi lahat ay maniniwala, ngunit sa mga makakakita, ito ay babala at biyaya.’
Ngumiti si Ella, ang mga mata'y mistulang lumulutang sa alaala.
"At kaya hanggang ngayon, kahit hindi na si Lolo ang nagsasandok, ang lugaw niya’y may dala pa ring sulyap sa bukas. Kung minsan, masarap ang malaman. Pero minsan… mas mabuting manatiling gutom sa katotohanan."
Tahimik na inubos ng binata ang kanyang lugaw. Mabagal ang bawat paggalaw ng kutsara—tila iniisip ang lahat ng kanyang narinig, o marahil… ang nakita.
Nang siya'y matapos, tumingin siya kay Ella. May bahagyang ngiti sa kanyang labi, ngunit may bigat sa kanyang mga mata.
"Salamat po," mahina niyang sabi, sabay abot ng bayad.
Tumango si Ella. Pinanood niya itong lumabas sa lugawan, bitbit ang sarili sa katahimikan ng gabi.
Pagkatapos, lumingon si Ella sa paligid. Napansin niyang unti-unti nang nauubos ang mga tao. Kinuha niya ang basahan, pinunasan ang mesa ng binata, at saka tumingala.
"Sa tingin n’yo? Ano kaya ang nakita niya?"
Ngumiti si Ella, isang ngiting may alam. At sa likod ng kanyang mata, parang may bahid ng liwanag na hindi galing sa ilaw ng karinderya, kundi sa isang sinaunang lihim na matagal nang iniingatan ng bawat mangkok ng lugaw ni Lolo Tasyo.
Wakas.
Comments
Post a Comment