A slice in a rest day no.1
Kagabi, nanuod kami ng asawa ko ng Toy Story 4. Hilig kasi ni misis ang ganitong mga cartoons na pelikula at katulad ng kadalasang nangyayari hindi natatapos ni misis ang pelikula, nakakatulog na sya dahil narin siguro sa pagod. Sino ba naman kasing hindi mapapagod sa isang araw na pakikipagbakbakan sa byahe at trabaho? Kahit na sabihin pa na nakaupo kami, ang utak naman namin ang nagttrabaho ng husto. Mahirap magsalita ng magsalita sa loob ng 8-9 na oras sa opisina. Ibang usapan pa yung amoy ng mga tao na nakakasabay mo sa byahe. Nasanay narin ako siguro pero si misis kahit na matagal na sya e madali parin syang tablan ng amoy ng mga tao. Sa twing restday ko, katulad kahapon, di ako nakakapagpahinga, lalo na ngayon na halos ilang linggo palang kami sa bago naming tinitirhan. Hassle ang paglilipat, kahit kailan. Dahil sa paglilipat ay natambakan kami ng labahan kaya ang kalahati ng araw ko kahapon ay kinain ng paglalaba. Nakapagluto naman ako ng Lechon Kawali kasabay nun at nakapagligpit ng kwarto.
Balik tayo sa kagabi, naiinis ako manuod ng mga pelikula na cartoons na gawa ng Disney. Mababaw ang luha ko, mabilis maantig ang damdamin ko kahit di halata sa itsura ko. Pagkatapos kong manuod (dahil tinulugan na ako ng kasama kong manuod) ay pinagmasdan ko ang aking maybahay na natutulog sa tabi ko habang nakayakap sakin. Biglang pumasok sa isip ko yung palagi nyang lambing sakin, "di mo naman ako love e." At "paano mo naman nasabi na love mo ko?". Mahal ko ang asawa ko. Kaya ko nga siya pinakasalan at simula noong araw na yun ay tinalikuran ko na lahat ng mga kalokohan ko noong magkasintahan palang kami (bukod sa pagkahilig ko sa mobile games). Palagi kong tinatatak sa isip ko ang sinumpaan namin sa harap ng altar lalo na ang salitang "Ang pinagsama ng Diyos ay di dapat paghiwalayin ng tao." Diba? Ito ang naging sandigan ko para maging tapat sa aking sinumpaan noong kinasal kami. So pagdating sa "di mo naman ako love"? Di siguro, mahal na mahal ko ang asawa ko sa kabila ng kakulitan niya (kadalasan naman ay may pinatutunguhan naman ang kakulitan nya). Sa tanong naman na "paano mo naman nasabi na love mo ko?" Ang palagi kong sagot ay "di ko rin alam, love kita e. DI MO NAMAN MAIPAPALIWANAG YON." Yan ang palagi kong tugon. Hindi ko rin naman bibigyan ng pansin madalas ang tanong nya. Pero, kagabi naisip ko yang tanong na yan, paano ko ba nasabing mahal ko sya? Sa katunayan madami akong sagot, ayoko lang na ipaliwanag ng husto sa kanya. Paano ko nasabing mahal ko sya? Una, pinaka at simple, di ko kayang hindi sya kasama o hindi nakikita sa isang araw. Sa katunayan naiiyak nga ako pag naiisip ko sya pag may mga pagkakataon na matagal kaming di magkikita, ambigat lagi ng pakiramdam ko. Lagi akong naaatat na makita siya. Palagi kong hinahanap ang pangungulit nya, yakap, luto, lahat. Mahal ko sya kasi nabuo na ang mundo ko na kasama sya at napakahirap na alisin na sya sa sistema ng pagkatao ko. Na para akong isang adik na kahit ilang beses i-rehab ay babalik at babalik sa kung ano mang tinira nya (no pun intended!). Kumbaga siya na ang nananalaytay sa dugo ko. Naaalala ko yung pinaka-sukot kong karanasan noong magkasintahan pa kami. Nakakahiya yung umiyak ka sa nanay mo para payagan kang puntahan sya dis-oras ng gabi at nagbibitaw ka ng mga kasukot-sukot na mga linyahan na ayoko nang balikan. Hanggang ngayon ito parin ang pang asar sakin ng mga kapatid ko sa twing mag-aasaran kami. Paano ko nasabing love ko sya? Sunod ako ng sunod sa gusto nya. Di ka naman susunod sa gusto ng isang tao, pwera nalang kung boss mo ito at binabayaran ka,o kung kapalit naman ay sarili mong buhay, o para sa kaligtasan ng sanlibutan, kung hindi naman sya mahalaga sa'yo di mo naman siguro susundin. Ginagawa mo naman ang pagsunod na ito dahil gusto mong masaya ang mahal mo. Gusto mo syang masaya kasi kasi masaya kang nakikita syang masaya. Mahal mo eh. Ganun din ako. Gaya nga ng lagi kong sinasabi sa mga kakilala ko pagdating sa usapang pagmamahalan, "KOMPLIKADOANG MAGMAHAL". Pag nagmahal ka, ipagsasaalang-alang mo yung sarili mong kaligayahan (eg: bawal tumambay, bawal ka maglaro etc.). Magastos ang magmahal. Lalo na kung bago pa lang kayo, syempre, papasikat ka. Pero itong mga ganitong bagay, nawawala din habang tumatagal kayong magkarelasyon. Paano ko nasabing mahal ko sya? DI MO NAMAN MAIPAPALIWANAG YON.
Bukod sa mga nabanggit ko, naisip ko rin ang mga kantang alam ko para i-describe kung gaano ko kamahal ang aking maybahay. Ito ang ilan sa mga linya at title ng kanta:
"Hangga't may puso ako na kayang magmahal, na ang sinisigaw ay lagi nang ikaw..."
-Hanggang by Wency Cornejo
"Di ko alam ang gagawin kung mawala ka. Buhay ko'y may kahulugan twing ako'y iyong hagkan. Umabot sa'ting huling hantungan. Kapit puso kitang hahayaan. Ngayon at kailanman, ikaw at ako."
-Ikaw at ako by Johnoy Danao
"Kung puso ko ay imamapa ikaw ang dulo, gitna at simula."
-Bawat daan by Ebe Dancel
"You're in my heart, you're in my soul, you'll be the breath should I grow old..."
-You're in my heart by Rod Stewart
"And it hurts me when we're apart. When you're not here in my arms there is nothing in this world for me."
-Crazy by Kenny Rogers
"Bubuka ang bulaklak" (biro lang!)
Madami pang iba pero ito ang gustong gusto kong kinakanta sa twing nagvivideoke ako at kasama sya, Jeepney na kinanta ng bandang Kala. Dadating tayo sa kwentong yan. Hilig ko ang pagkanta, palagi kong inaalayan ng awit si misis sa twing bumibisita ako sa kanila dati noong magkasintahan pa kami. Kumakanta ako habang nagluluto ako kahapon. Hindi ko namalayang meron pa palang tao sa bahay. Sanay akong magperform sa tapat ng madaming tao dahil ginagawa ko na ito noong nagbabanda pa ako. Pero iba yung bigla nalang pagharap mo me nagsasandok na ng kanin sa rice cooker at walang kibo habang ikaw ay kumakanta with feelings. Hindi rin ako nakalabas ng bahay kahapon dahil sa pagka-busy ko sa mga bagay bagay sa bahay atbp.
Habang ginagawa ko to napansin ko na malapit na pala ang Balemtayms Sakto pala para sa nakakasukot kong naiisip kagabi na ngayon ay isinasalaysay ko. Adbans Hapi Balemtayms!
Nagmamahal,
Tito Jim
"Krass mo, kaya mo na ba maglaba ng panty nya?"
-Tita kong Davaoeña to a Grade 3 me.
Comments
Post a Comment