Usapang Eskwela no.1
Usapang Eskwela no.1
Maingay, matao, may mga umiiyak, may mga excited. Makulay ang lugar na ito sa iba't ibang paraan. Dito una tayong natuto na makisalamuha sa ibang tao sa labas ng pamilya natin. "Gumising ka na Jim may pasok ka pa sa school!" Yan ang laging bungad sakin sa umaga ni Lolo Ret(RIP). Siya ang isa sa pinaka matagal na nag-alaga sa aming magkakapatid. Nasubaybayan nya ang unang pagpasok ko sa Fabella, di ko na matandaan ang buong pangalan ng pinasukan ko noong kindergarten ako. Isa akong batang Maynila noong 90's(represent!), di ko alam kung masaya ako noong mga panahong yon. Pero ito ang ilan sa mga natatandaan ko sa Fabella... Una, yung sobrang daming bata! As in, ang school na yun ay merong 6 na mahahabang lamesa kasya ang 14 na bata sa isang mahabang lamesa na iyon, tapatan. Tatlong lamesa para sa mga babae, tatlong lamesa para sa mga lalaki. Pangalawa, may blackboard na ginawang bakod sa bandang kanan at sa likod nito ay isang health center. Sa kaliwa naman ay isang malaking stage na may malaking painting, di ko na maalala ng husto kung anong painting yun. Sa stage na iyon din kami umakyat noong gumraduate kami ng kindergarten. Pangatlo, may creepy na playground sa gitna na may katabing puno. Sa tapat nito ay isang maliit na banyo. Pang-apat, dalawa lang ang yung teacher namin si Mrs. Supalda at Mrs. Superio sa pagkakatanda ko. Sa dami naming mga bata noon dalawa lang sila at nakakatuwa ang parusa nila. Kung lalaki ka at madaldal ka, papabuhat sayo yung silya mo at kailangan mong lumipat sa mga babae, patatayuin ka sa gilid ng classroom pag di ka makuha sa pagpapalipat sa row ng mga babae. Para sa amin noon, nakakatakot na yon. Nakakatawa kung iisipin. Panglima, tanda ko rin na kailangan mong magdala ng sarili mong place mat sa lunchbox mo para gamitin sa recess. Tinapay ang madalas kong baon noon at zesto (mahal kasi ang chocolait). Tuwing hapon, naghahabaan na ang leeg ng mga batang nag-aabang sa kanilang mga sundo. May iba na umiiyak kasi wala pa sundo nila meron namang naglalaro sa playground. Ni minsan di ako lumapit sa playground na yon. Kung naiisip ko ngayon ang itsura nito maiisip ko kung bakit di ako lumapit doon (matatakutin kasi ako). Di ko rin naman din kasi kailangan dahil on time naman magsundo si Lolo Ret or si erpats or kung sino mang kamag-anak ni ermats ang available magsundo. Wala na akong balita sa dati kong eskwelahan. Ang huli kong balita ay nagsara na ito. College pa ko nun. Sinubukan ko rin na hanapin ito sa Google at itong litrato sa ibaba ang aking nakita.
"A-so, Aso! Enriquez! Daldal ka ng daldal! Lumipat ka sa kabila!"
-Mrs. Superio to me looking at my seatmate, smiling.
-Mrs. Superio to me looking at my seatmate, smiling.
"Tigil ka muna!" Angelus kasi kaya kailangan mong tumigil sa kinatatayuan mo. Malas mo pag sa quadrangle ka inabutan ng tunog ng kampana, ilang minuto kang magbababad sa init ng araw. Ito na ang kinaugalian namin mga nag-aaral sa isang Catholic school. Lumpipat ako sa St. Anthony School pagkatapos ko sa Fabella. Ang eskwelahang ito ay pinamumunuan ng mga pari at madre. Kadikit ng simbahan ang school, ang St. Anthony of Padua Parish. Maraming kaganapan sa buhay ng pamilya namin ang nangyari dito. Ito ang pinaka malapit na eskwelahan mula sa bahay namin dati, kapitbahay lang. Gaya ng nakagawian, si Lolo Ret parin ang naghahatid at kung sino man ang available sa mga kamag-anak ni ermats ang available ay siya ang magsusundo sa akin sa school. Hiwalay ang schedule ng babae sa lalaki. Umaga ang pasok ng mga babae tanghali ang lalaki. Sa school na to una kong nakita ang AngTV member na si Katya(oo! yung VIVA Hotbabe). Naalala ko pa kung paano ako hilahin ng mga kaklase ko para magpa-authograph sa kanya. Di ko siya kilala dahil panay cartoons lang ang alam ko pero maganda ang schoolmate kong Katya maganda, chubby, malaki ang...(VIVA Hotbabe material na!) Artista material talaga. Masaya ang activities sa isang catholic school. Pag rosary month may pa-misa na kailangan daluhan ng lahat ng estudyante. Natatandaan ko rin ang Noise Barrage na ginawa ng school namin dati noon para tutulan ang Nuclear bomb testing malapit sa Pinas (sa pagkakatanda ko). Sa school na ito una kong nakita ang Computer. Dito rin ako unang nakakita ng teacher na binubully ng mga estudyante. Maaangas na Highschool students na galit sa mga elementary student na katulad ko. Naaalala ko pa na meron din akong classmate na bully at ako ang prey nya. Sa araw araw na ginawa ng maykapal di lalagpas ang araw na di nya ako inaasar(tanda ko pa pangalan mong hayop ka!) ang palagi nyang asar sakin? Eye to Eye(talkshow program ni Inday Badiday) at asar na asar ako noon. Pikon akong bata, mataba, malaki mata. Hanggang sa nakilala ko yung kaklase kong si Asuncion, malaking bata yun na palaging bukas yung ibabaw ng polo, sigang bata. Itong si Asuncion ang kumakain ng baon ko na di ko gusto kaya maamo sakin ang loko. Mula nang maging kadikit ko si Asuncion tumigil na sa pang-aasar yung kaklase kong bully.
"Katya! Pa-autograph! Tara Enriquez pa-autograph tayo kay Katya!"
-Classmate kong G na G kay Katya
Madami akong nakakabarkada sa St. Anthony noong nagaaral pa ako dito, ito ang iba pa sa mga naaalala ko sa kanila:
Busa, Jeanjaquet, Singh - Si Busa ay sobrang daldal na bata, mukha syang intsik. Parati syang nasisita sa kadaldalan nya. Tuwing sabado, dinadayo ko si Busa sa kanila para tumambay. Sa kanya ko rin unang narinig na "Spider Man ang ibig sabihin ng SM(mall), hindi ako naniwala syempre. Si Jeanjaquet naman ay malaking bata. Isa sya sa pinaka malaki sa klase namin kasama mahilig sya makipagtawanan sya yung parang "bondying" na bata. Si Singh, tama, bumbay na bata. Prominente ang kanyang "Siopao" sa ulo (friend ko parin sya sa FB wala na syang siopao, baka kinain na ng kung sino. Hindi rin nag-evolve ang siopao nya sa turban). Lagi siyang inaasar na siopao sa pinaka obvious na reason. Sa kanya ko nalaman na tumpok ng mahabang buhok ang laman ng siopao nya sa ulo hindi kuting!
Jocson at Buenavista - itong dalawag to ang lagi kong nakakasama kapag late akong nasusundo sa school ko. Sa pagkakatanda ko si Jocson sinusundo ng ermats nya gamit kotse at si Buenavista naman ay naiiwan ng service dahil sa paglalaro. Si Jocson at Buenavista ang pinaka-makulit na mga naging kaklase ko kasama ni Gardiner, siya ang tipo ng bata na kayang gumawa ng eksena sa class picture. Ganun sya kagulo. Meron ding isang pagkakataon na nauso ang paglalagay ng buntot na gawa sa papel sa likod ng kaklase mo at nahuli si Buenavista ng Prefect of Dicipline ng school na ginagawa ito. Ang parusa, nag-room to room sila ng prefect of discipline na may nakalagay na buntot sa likod niya.
Ebol, Duran at Pernito - Mga seatmates ko sila. Tawanan kami ng tawanan nitong tatlong to. Si Duran at Pernito, magkapitbahay na rich kids. Naaalala ko pa na madalas mag-imbita si Pernito sa kanila para mag-bonding. Si Ebol naman pikon din na bata, mabilis umiyak pero mabait.
Sagcal brothers, Canuel - Kambal tong Sagcal brothers tahimik yung isa maingay naman yung isa, Si Canuel naman isa sa pinaka matangkad kong classmate magkasing laki sila ni Jeanjaquet (friend ko rin sa FB), kakilala ng pinsan ko at ng asawa nya, small world. Naalala ko pang sinumbong ako ni Canuel sa teacher namin na si Ms. Sindo noon dahil sabi ko na kaya kong suntokin si ma'am papuntang buwan (bata eh!).
Sila nalang ang mga naaalala kong mga nakakakwentuhan, nakakalaro ko dati. Talamak ang pambubully noong 90's kulang lang sa hype di tulad ngayon. Naaalala ko si Zapata, isang estudyante na ahead sakin na palagi kong napapansin na palaging galit. Nakalaro ko sya minsan sa quadrangle, lagi syang may kaaway ang magkapatid na Miyake, mga batang babae. Cute ang magkapatid na yun Crush ko nga yung matanda si Aiko (Sachico yung nakababata). Di lang yun, may ate din silang High school na maganda din! Naaalala ko nun na nakikisali ako sa away nila para makalapit lang kay Aiko pero walang epekto. Galit si Aiko sakin kasi kakampi ako ni Zapata. Sa katunayan ay ginawa nya akong Double-agent inuutusan nya rin ako na utuin si Zapata na madali naman mauto. Nahinto itong pakikipaglaro ko sa kanila noong naiwan ko ang water jug ko sa classroom isang araw at pinabalikan sa akin ni ermats ito. Sa pagkakataong iyon, nakilala ko ang aking puppy love na si Emilyn. Tandang tanda ko pa ng itsura nya. Mukha syang kamag-anak ng mga Baretto, maputi at mapayat na bata. Naalala ko pa kung paano kami nagbabatian noon, nagyayaya akong pumasok ng maaga para makita sya, lumalanding kabataan 90's style. Valentine's day, inabutan ako ni Emilyn ng Valentine's card. Unang beses kong makatanggap ng ganito at alam mo kung ano ginawa ko dito? Tinapon ko ito. Dahil takot ako sa ermats ko. Mabangis na tigre kasi ang ermats ko lalo na sa akin. Pero naiisip ko minsan, bakit di ko tinabi? Ano naman kung makita ni ermats? Di ba sya matutuwa na merong humahanga sa anak nya? Shunga ko rin eh. Ganun talaga, bata eh. Basta ang iniisip ko noon, ayoko ng trouble kay ermats, manuod ng cartoons makipag laro sa mga kapitbahay. Lumambitin sa gate ng compound namin. Huli ko nakita si Emilyn sa service nila. Huling araw ng school year namin noong grade 4. Wala na akong balita sa kanya. Minsan na-curious din ako, gusto kong malaman kung kumusta na siya pero wala akong mahanap na Emilyn sa FB at Google, isang beses ko lang ginawa.
Sa limang taon ko sa St. Anthony natatandaan ko pa ang mga mukha ng mga dati kong classmate hanggang ngayon, pati yung mukha nung nambully sa akin (walangyang yun!). Nakakasalubong ko pa ang iba sa tuwing nagpupunta ako sa Maynila pero di ko na binabati. Nagkakatinginan nalang kami at mababakas sa mukha nila ang katagang "Parang kilala kita?" May classmate ako noong elementary na nakita ko pa sa loob ng subdivision namin, nalaman ko na nag-aaral sya sa katabing school ng pinapasukan ko noong high school. Meron din akong classmate na isa nang gastroenterologist, paano ko nalaman? Nakita ko sya noong pinasukan ako ng tubo para i-check ang gall bladder ko before operation at na-verify ko na sya nga ito dahil siya ang nakapirma sa test result(Salud!). Sa eskwela natututunan ng mga bata ang madaming bagay. Lahat ng ito madadala nila hanggang sa pagtanda nila, ang mga ala-ala, mga pinag-aralan, lugar na napuntahan. Sabi nga sa amin ng dati kong guro, ang eskwela ang naghuhulma sa pagkatao ng bawat batang pumapasok dito. Nice! Nice! Nice!
"4:30 na! AngTV na!"
-Classmate kong kumag
Comments
Post a Comment