Erpats no.1
Tatlumput-walong taon sa mundo, Dalawampung taong pagsasama, Halos siyam na buwan, Isang araw. Ngiti sa labi at nangingilid na luha sa mata. Tinitignan ang isang anghel na nagpapalakas sa loob ng isang incubator, salamin lang ang namamagitan. Sa isip ko... kailan ba kita makakarga? Ito ang nararamdaman ko noong una kong makita ang anak ko. Biruin mo, pagkalipas ng mahabang panahon, dininig din ng maykapal ang panalangin naming mag-asawa na magkaroon ng anak. Buo na ang pamilya namin. May isang maliit na sanggol ang pagbubuhusan namin pagod at panahon. Iba ang kaba na dala sa akin bilang first time dad. Nakaka-stress yung magkahalong saya, kaba at pag-aalala.
Kung unang beses mo rin na maging tatay. Hayaan mong ibahagi ko sayo ang listahan ng mga bagay na kailangan paghandaan at napagtanto ko bilang isang first time dad.
- Mahabang pasensya. Oo, alam ko mahaba ang pasensya mo. Pero... mas habaan mo pa. Isa ito sa mga bagay na binagsak ko sa checklist na to. Dahil narin siguro sa uri ng stress ng dala trabaho ko dagdagan pa ng pag-aalala at iba pang mga bagay.
- Mag-ipon. Dadaan kayo sa maraming check up para siguruhing maayos at ligtas ang mag-ina mo. Kaakibat noon ay ang iba pang mga gastos tulad ng pamasahe, pagkain at lalung-lalo na ay ang mga maintenance na gamot ng mga nagdadalang tao.
- Syempre, dahil kailangan mo mag-ipon kailangan mo rin bantayan mga gastusin mo. Ah! may bisyo ka. Tigilan mo na! Kung di kaya, bawasan mo pa mga 90%. Maniwala ka, magiging malaking tulong yan.
- Back-up. Plan B, C, D to Z kahit maging kasing dami pa ng kayang gawin ng MS Excel yang back-up plan mo. Kailangan may contingency plan ka. Mga nakaka-angat angat nga may contingency plan ikaw pa kaya na binaliktad na anga-t lang?
- Ingat. Ibayong pag-iingat. Lalo na kung maselan magdalang-tao ang asawa mo. Maniwala ka, masakit mawalan ng anak. Yang maliit na anghel na hawak mo. pakahawakan mo ng maigi dahil matagal nyong hiniling yan. Hindi mo kakayaning mawala yan.
- Best version ng sarili mo. Eto opinyon ko lang. Kailangan mo ng ipakita ang best version ng sarili mo. Dahil yang best version mo ang magiging pamantayan ng pagiging tao ng magiging chikiting mo.
- Makinig kay misis! Eto aminin na natin... iba ang instinct ng mga babae. Kaya pag may sinasabi sya tungkol sa mga bagay patungkol sa pagpapalaki ng anak nyo. Makinig ka. Iwas away narin. Hehe!
- Makinig din sa bilin ng Pedia. Ikaw, sa iyong mag-asawa ang magsisilbing tulay ng logic ng isang doktor papunta sa nag-aalala mong asawa. Wag na wag kang masasawa at maiinis.
- Panatiliing malakas ang katawan. Dinala ng misis mo ang anak nyo sa loob ng siyam na buwan. Ngayong nakalabas na ang baby, panahon na para hatian si misis sa pagkarga di lang sa bisig kundi sa puso mo narin.
And the list goes on... Sabi nga nila. Mahaba pa ang panahong pagdaraanan ko sa larangan ng pagiging ama at kung katulad kita marami ka ring opinyon at suhestiyon na maririnig mula sa magulang mo at ibang tao. Hindi masamang makinig at sundin ang mga ito basta palagi kang mag-iingat. Higit sa lahat, ipag-sang alang alang nyo ang maliit na nilalang na yan, mahalin kahit gaano kakulit at nakakapagod ito. Minsan lang sila magiging bata gawin natin itong maganda at memorable para sa kanila.
Para kay Xavi Strauss, anak, mahal na mahal ka ni mommy at daddy. Lahat ng pagsisikap namin ay para sa'yo.
Nagmamahal,
Tito Jimm (Daddy Jimm)
Comments
Post a Comment